Filipino: Wika at kultura sa kasalukuyang panahon
Filipino. Wika na ating kinagisnan at kinalakihan. Wika na nagbubuklod sa atin upang magkaunawaan. Ngunit sa panahon natin ngayon ay umuusbong na ang makabagong teknolohiya. Kasabay ng pag-usbong nito, paano nga ba nito napapayaman ang ating lipunan at kultura sa maraming aspeto ? Ano-ano naman ang mga hindi magandang naidudulot nito?
Makabagong teknolohiya
Ang pag-usbong ng makabagong teknolohiya ay isang
napakahalagang bagay sa panahon natin ngayon. Mga bagong imbensiyon, kagamitan,
pagkain at iba pa ang mga umuusbong ngayon. Samu’t saring mga kagamitan na
nakatutulong at maaaring makatulong sa ating pang araw-araw na gawain para ang
mga ito ay mas gumaan gawin para sa atin. Sa panahon natin ngayon, mapa-lalake
man o babae, matanda o bata man ay gumagamit na ng ating makabagong teknolohiya
sa ating modernong panahon. Ang mga gadgets na katulad ng cellphone, laptop,
computer at iba pa ay nakatutulong sa atin upang mapadali ang ating
pakikipag-ugnayan sa iba. Paano nga ba nakatutulong ang makabagong teknolohiya
sa ating wika? Ano-ano ang mga magaganda at hindi maganda naidudulot nito?
Wikang Filipino
Sa pag-usbong ng ating makabagong teknolohiya, maraming bagay ang maaaring magawa. Sa ating wika, ito ay mayroon ding mga magagandang dulot. Sa paggamit natin ng social media gamit ang ating mga gadgets, nakapagpapahayag tayo ng ating mga saloobin at opinyon ukol sa isang usapin o isyu. Mas napapadali ang ating pakikipag-ugnayan sa bawat isa dahil sa mga gadgets at sa wika na ating ginagamit. Naibabahagi natin sa ibang nasyon o lugar ang ating wika at ito ay mas napagyayaman at napagyayabong. Ngunit lingid sa mga magagandang naidudulot nito ay nariyan din ang mga hindi magagandang dulot. Kagaya na lamang sa ating pagpapahayag ng mga opinyon gamit ang mga social media sites, kung minsan ay hindi na magaganda ang mga salitang ating nababahagi sa iba, kung minsan ang mga salita ay hindi akma sa mga nakakabasa o maaaring makakita. Sa panahon rin natin ngayon ay umuusbong rin ang mga wikang banyaga. Ang mga wikang ito ay kung minsan, mas inaaral, ginagamit at mas pinagyayabong ng ibang kapwa Pilipino. Hindi naman sa ito ay masama ngunit dapat ay alam pa rin natin ang ating sariling wika na ating nakagisnan. Kasabay rin ng pag-usbong nito ay mayroong mga bagong salita ang nabubuo. Ang mga ito ay kung minsan, hindi magandang pakinggan o ito ay hindi akma sa mga nakakarinig.
Kultura
Kasabay ng pag-usbong ng ating makabagong teknolohiya sa kasalukuyang panahon, naapektuhan nito ang ating kultura. Bagamat ang ating ibang
kultura ay lipas na o hindi na ginagawa ngayon, mayroon pa ring mga ilan na
ginagawa pa rin ngayon. Tayong mga Pilipino ay nakagisnan na ang pagmamano at
pagsasabi ng po at opo sa mga nakatatanda. Sa paggamit natin ng ating gadget
kagaya ng cellphone, ang nakasayang paggamit ng po at opo ay atin pa ring
nagagamit. Sa pagpapadala natin ng mga mensahe ay hindi pa rin ito
nakalilimutan lalo na kung nakatatanda sa atin ang ating kausap. Sa paggamit
rin na makabagong teknolohiya, naibabahagi natin sa iba ang mga kulturang
pagkain o gawi dito sa atin sa ibang lugar. Ito ay naipopost natin sa mga
social media sites na maaaring makita ng ibang tao. Ang ating kultura ay
naipagmamalaki sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya.